Pakiusap sa lahat ng mga panauhin:

Nakikiusap ang may akda sa lahat ng kanyang mga mambabasa na i post ang kanilang mga opinyon, reaksiyon, o mga komento, sa bandang ibaba ng kuwento. Upang maging batayan ng may akda sa kanyang mga susunod na pagtatangka. Kung gusto naman po ninyong maging kaibigan ng may akda, wala kayong ibang dapat gawin kundi i click ang join this site, at maging miyembro ng blogsite na ito. Marami pong salamat, at maligayang pagsakay sa Bus, naway maging maligaya ang ating paglalakbay.

Mark

Monday, August 29, 2011

Medyo Mahangin





Si Edcel (di tunay na pangalan) isang barkada ko ring mahilig sa textmate. Feeling nya masyado syang ma-appeal kahit alam kong sya lang ang nakakaalam nun. Medyo mahangin at pakiramdam nya eh kamukha nya si Dingdong Dantes, kahit alam naman ng mundo na mukha syang……. tenenn!!.....DOORBELL ( Dingdong rin naman). So heto na nga dahil nga nagkaroon sila ng usapan ng textmate nyang si “Pinky Pink” (hulaan ko peyborit nyang color….RED). Mag-eeyeball sila sa Odyssey Music Store sa SM North Edsa (SM na naman?), usapan nila magsusuot naman sila ng PINK (suggestion yan ni Edzel).




So heto na dumating na kami sa Odyssey ng mga 5:00 PM, pero may napansin ako kay Edzel.

.
Ako: Teka ka pare, eh di ba pink ang usapan nyo, bakit ka naka Green?



Edzel: Gago ka ba, eh paano kung panget si Pinky, eh di lugi ako!




Ako: eh paano kung maganda, eh naka-green ka naman.




Edzel: Wais to bro, may baon naman akong poloshirt na pink!




Ako: Okay !ikaw na ang matalino!




So heto na alas 5:20 wala pa akong nakikitang nakapink sa loob ng Odyssey, at para kaming mga shoplifter na tingin ng tingin sa mga tao sa loob. Habang naglalakad lakad kami, may napansin naman akong dalawang babae na bulungan ng bulungan sa may kanto ng Odyssey. Pakiramdam ko sya si Pinky Pink, pero nagulat ako kasi………………… naka-VIOLET sila. Kung itatanong nyo ang hitsura ni Pinky Pink, ang masasabi ko lang ay…… bagay na bagay sila ni Edzel! Pakiramdam din nya maganda sya,kahit alam ng mundo na mukha lang syang nagdedeliryo! hehehe




Nagtataguan silang dalawa, at dahil nakahalata na rin si Edzel na si Pinky Pink ang babaeng naka Violet, Kinumpirma nya sa pamamagitan ng pagtawag nito. At nung biglang nag-ring ang cellphone ni Pinky Pink, nagtatakbo si Pinky Pink palabas habang tumatawa.(parang mga tanga lang!)




Ako: Ano pre natanso ka no?



Edcel: Oo nga pre buti na lang di ako nag Pink!



Ako: Ganun! (nagkagaguhan na nga sila eh yung kulay ng damit pa ang inisip!hehe)
______________________________
Ngayon syempre ang bawat istorya may moral lesson, kaya ang moral lesson na masasabi ko ay

WAG MAKIKIPAGTEXTMATE,!!



KUNG MAG-EEB MAN KAYO, WAG NG MAGSABI KUNG ANONG KULAY NG DAMIT ANG DAPAT ISUOT!




Yun lamang po.

Maligayang  Paglalakbay sa inyong lahat!!!   at maligayang pagsakay sa Bus, Bukas po ulit sakay kayo ha???  salamat!!


Si Nene


Minsan sa aking biyahe papunta ng Davao City, galing Valencia Bukidnon me nakatabi akong isang guy na txt ng txt, siguro mga nasa edad na 21 hangang 22, hindi siya mapakali, tingin ng tingin sa bintana ng bus, sabay tingin sa celphone niya at txt nanaman…. Palaging ganoon ang ginagawa niya, pakiwari ko ay hindi alam kong saan bababa, at tinetex ang kamag anak na susundo sa kanya, ngunit sa labis kong pagkabigla..mali pala ang aking nasasaisip….ng biglang tumawag ang kanyang katext … “Heloo!!! Oo naka blue nga ako…. T shirt, tapos maong pants!! Ikaw? Sigurado ka terminal ng Maramag ha? Malapit na siguro ako…. Basta wag ka mag expect ng kung ano ano sa akin ha??? Lihim akong natawa sa aking narinig, kahit pala dito sa Sulok ng Mindanao ay uso na rin ang EB o eyeball, “Sir Malapit na po ba tayo sa Terminal ng Maramag?” tanong na parang kinakabahan na galing sa aking katabi… sa unang kanto…liliko tayo diyan, Yan na ang terminal…hindi pa ako tapos magsalita, sumigaw na agad siya ng para!!! Dito na lang ho ako!! Balisang balisa at pinagpapawisan ang bihis na bihis na binata, “ ahhh mukhang alam ko na ang balak nito, gusto niyang I one way ang kanyang ka textmate, o tingnan muna kung anong itsura nito, kung maganda saka siya lalapit, pero kung medyo tagilid, ewan ko nalang…. Hay nako ang mga kabataan nga naman sa panahon ngayon! Naalala ko tuloy ang aking kabarkadang babae noon…..

Mayroon akong kabarkadang babae na itago natin sa pangalang Nene. Si Nene medyo isang babaeng mahilig magtextmate, palibhasa naka-unlimited call sya kaya malakas ang loob nyang makipag fonepal/textmate. Dahil maganda ang boses ng barkada ko na yun eh meron syang naging katextmate/fonepal, at itatago natin sa pangalang “Deo”. Medyo hindi kasi kagandahan si Nene, kaya naman nahihilig sya pakikipagfonepal/textmate na yan.

So to cut the story short, naisipan nilang mag-EB (eyeball). So heto na, dahil babae si Nene, nagpasama sya sa akin para meron daw syang bodyguard. Usapan nila magtatagpo sa SM-Cubao (wow sosyal na sosyal), sabi nya sa akin magtago daw ako para hindi isipin ni “Deo” eh may kasama sya.

.
Napag-usapan nila na magre RED sila, para madaling magkakilanlan. So si Nene, suot suot nya ang paborito nyang TSHIRT na Red na may Power Ranger sa gitna este may Winnie the Pooh Character pala. Red kung red ang suot nya, para madali raw syang makilala, pulang pula din ang lips nya at kuntodo make-up din sya (mukha syang nakipagbangasan ng mukha sa hitsura nyang yun). So usapan 3:00PM sa tapat ng Jolibee.

Heto na alas 3:00 na ng hapon, pero wala pa rin si Deo. Medyo kinakaba-kabahan pa nga si Nene eh. Makalipas ang 30 minuto wala pa rin si Deo. Kaya duon na ako nagduda, na baka hindi sinipot ni Deo si Nene dahil nakita na nya na hindi maganda ito.

.
Kaya iginala ko na ang aking mata , at may nakita akong 2 lalaking, nagtatawanan sa gilid ng Jolibee. Medyo nagduda ako sa dalawang yun, at ang malakas ang kutob kong isa sa kanila si Deo. Kung tatanungin nyo ako kung ano hitsura nila, ang masasabi ko lang ay…………mukha silang alanganin. (kapal ng mukha nilang indyanin ang barkada ko)

So lumapit na ako sa isa sa dalawang lalaki


AKO: Hoy!!! Ikaw ba si Deo?


Lalaki 1: Hello???? Naka RED ba ako?? Tingnan mo nga blung-blue ang suot ko.


AKO: Eh gago ka pala eh paano mo nalamang RED ang dapat mong isuot.


Lalaki 1: huh?? (natuliro ang gago)


Hindi sinagot ang tanong ko at bigla nalang silang umalis. Pinuntahan ko na si Nene dahil wala na syang tatagpuin pa. Medyo ayaw pa nga nya eh, pero nung sinabi kong ililibre ko na lang sya sa Greenwich hayun wala ng sabi sabi, sumama na. Eh makaraan ang isang araw hayun umiiyak si Nene dahil di na raw sya tinetext at tinawagan ni Deo. Kaya sabi ko manghula na lang uli sya ng number para may bago syang textmate.He,he,he.

Sunday, August 28, 2011

Ang Bata sa Bus



Dito ho ang terminal pa Butuan lakad lang ho kayo papasok,  tapos sa unahan kaliwa kayo pasigaw na sabi ng tricycle driver habang kinukuha ang bayad ko, sige dong salamat! Hay tamang tama ang dating ko abot ko pa ang first trip nito….kapag maaga ako matapos didiretso na ako ng surigao….kunti lang ang pasahero ng madaling araw na yon, me mag asawa sa unahang upuan na mga nasa kalagitnaan na ng edad, sa kabilang bahagi ay isang matandang babae na bagaman puti na ang kanyang buhok at mababakas mo sa kanyang mukha ang katandaan, me lakas pa rin ipinamalas sa 1 kahon, at isang bayong na kanyang dala dala, isang ale na may kalakihan ang katawan na sa wari ko ay ayaw magpatabi sa dahilang inihaharang niya ang kanyang bag sa kanyang katabing bakanteng upuan, tatlong magkakaibigan sa bandang likuran na sa tingin ko ay mga estudyante na uuwi sa kanilang bayan, at isang batang babae na tulog sa bandang  gitna ng bus, kung hindi ako nagkakamali ay mga 12 hanggang 14 ang edad, pinili kong maupo sa pang apat na hanay ng mga upuan sa dahilang buwelo ako dito at walang katabi sa magkabilang panig, inilagay ko ang aking bag sa taas, at  ako ay naupo, bahagya kong hinawi ang kurtina ng bus upang sulyapan ang tanawin sa bahagi ng terminal na iyon ng Cagayan de Oro, abala na ang paligid….patuloy ang pagdating ng mga bus galing sa ibat ibang bahagi ng Mindanao saglit kong nasulyapan ang mamang nagbebenta ng mineral water, dali dali akong bumaba at bumili nito, bumili na rin ako ng chicharon, at kendi  ito na ang baon ko sa biyahe kong ito..nakasanayan ko na kasing palagi me nginunguya sa tuwing ako ay nagbibiyahe, saglit muna akong tumayo sa ibaba ng bus at nagbalat ng isang kendi hanggang  sa biglaang mapasulyap ako sa bintana na malapit sa aking kinauupuan… andon yong batang babae nakaupo at nakatingin siya sa akin, naisip ko tuloy..hindi ko pala naibaba yong bag ko sa aking upuan..paraan ko yon upang malaman ng mga pasaherong sumasakay na me nakaupo na sa upuang iyon. Bakas sa mukha ng batang babae ang labis na lungkot, pilit kong iniiwas ang atensiyon ko sa kanya.. Bilisan natin at baka umalis nayan!  Saan ba kasi? Baka malayo pa!! boses ng  tatlong estudyante sa bandang likuran ng bus, nagmamadaling bumaba at sa aking pakiwari ay hinahanap ang palikuran ng terminal..dali dali akong sumunod sa kanila upang makaihi na rin bago umalis ang bus……..     Tamang tama pagbalik namin pasakay naman ang driver nito, kanina pa pala sa itaas ang kondoktor, matapos akong umupo ay agad siyang lumapit at nagtanong saan ho kayo? Sa Butuan ang sagot ko….. iniabot sa akin ang ticket, mga anong oras kaya tayo makarating? Tanong ko sabay abot ng bayad…bamamat alam ko na ang oras, naniguro pa rin ako,  mga 8:30 na ho ng umaga….  Tamang tama sa isip ko, marami pa ako mapupuntahan bago ako dumiretso sa Surigao, unti unti ng lumabas ang bus sa terminal hanggang binabagtas na nito ang national highway palabas ng Cagayan de Oro…naalala ko tuloy ang Maynila sa mga ilaw ng siyudad ng Cagayan De Oro…ahh mga ilang buwan na nga ba akong hindi nkakauwi ng Maynila tanong ko sa isip ko…. Mga anim? Pito? Walo? Isang taon? Isang taon at 2 buwan na pala….matagal tagal na rin pala ako dito sa Mindanao, haaay! Sabay unat ng aking mga paa, at kamay, isinuot ko na ang jacket….medyo malayo layo na rin kami sa siyudad pangilan ngilan na lamang ang mga ilaw..at kung minsan ay wala na..bahagya ko ng ibinaba ang kurtina , at nagsimula na akong maidlip………   Gingoog!! Gingoog!  Naalimpungatan ako sa sigaw ng kondoktor… ahh nasa Gingoog na pala kami...dali dali akong bumaba upang umihi, … tubig boss?  sabi ng mama habang nakatayo ako sa labas ng bus at nagbubukas ng isang kendi, meron na ho! ang sagot ko, muli akong napasulyap sa bintana naalala ko yong batang babae kanina….gusto ko nga palang kausapin yon kanina,…nawala sa isip ko…dali dali akong umakyat ng bus at hinanap ang bata…ngunit wala na ito sa loob ng bus…nagsimula akong magi -isip..siguro bumaba na kanina habang tulog ako…. O kaya naman kanina habang nauna ako bumaba para umihi, taga saan kaya yon?

 Wala naman akong napansin na dala dala niyang bag. Palaisipan sa akin ang batang babae iyon…hanggang hindi ko namamalayan na patuloy nanaman sa pagtakbo ang bus maliwanag na pala…anong oras na ba? Sabay tingin ko sa relo 6:30 na pala…..naisip kong tumingin muli sa likod baka sakaling masulyapan ko ang bata…ngunit wala talaga marami ng pasahero ang bus ng aking mapansin…marami pa lang sumakay sa Gingoog, yong isa sa 3 estudyante na nasa likuran ay tumabi sa akin, pakiwari ko ay siya na lamang ang hindi pa nakakababa sa kanilang tatlo, at mukhang malapit na siya sa kanyang destinasyon sa dahilang hindi na siya mapakali at pasulyap sulyap sa bandang unahan, wala sa loob ko ang magtanong bigla “dong saan ba bumaba yong batang babae na nakaupo diyan sa bandang gitna? Yong naka green na t shirt?  Tiningnan niya ako, na wariy nagtataka sa aking tanong…….wala naman hong batang babae na nakasakay dito sa bus, Meron! Yong bago umalis ang bus nong andon pa tayo sa terminal sa Cagayan diba tulog pa nga siya diyan….hindi sumagot ang estudyante bagkos  ipinakita ng kanyang mukha ang labis na pagtataka sa aking tinuran….baba na ho ako, at dali dali siyang nagpara, sa tantiya ko dito na siguro siya bababa. Masyadong kinukuha ng batang babae ang atensyon ng aking isipan ng mga oras na iyon..habang patuloy namang bumibilis ang pagdating ko sa Butuan, ganoon talaga siguro kapag may iniisip ka…bumibilis ang oras…. O dahan dahan lang ho lola… sabi ng konduktor sa pababang matanda….andito na pala kami sa Terminal ng Butuan, nagsipagbaba na ang lahat ng mga pasahero, sinadya kong magpaiwan… nilapitan ko ang upuan kong saan nakita ko ang batang babae na natutulog kanina..baba na ho kayo sir! Sigaw ng kondoktor… ay teka lang dong! Saan ba bumaba yong batang babae kanina na natutulog dito bago umalis ang bus sa terminal ng Cagayan.. yong naka green?  Wala hong batang babae dito sa bus sir, 8 lang ho kayong pasahero ng bus ng umalis ito ng Cagayan de Oro……ewan ko kung bakit biglang nanlamig ang buo kong katawan ng mga sandaling iyon…..Tricycle! tricycle!   Boss  tricycle po kayo?  Nabigla ako sa sigaw ng tricyle driver  saan ho ba kayo?  sa Palengke ho tayo……maganda ang panahon ng mga oras na iyon maaliwalas ang kalangitan at mainit ang panahon sa Butuan….pero kakaiba ang pakiramdam ko…. Marami pa nga pala akong aasikasuhin….sana umabot ako sa last trip mamya ng Aircon pa Surigao…….gutom na ako….manong  sa may Jollibee mo nalang ako ibaba!!………..

Mga kuwentong hango sa tunay na buhay ng may akda, sa kanyang paglalakbay sakay ng Bus, ito ay maituturing niyang paglalakbay sa buhay...halina't makisakay sa kanya..sama sama tayong maglakbay sakay ng Bus....


mani! mani! mineral!! mineral!! kayo diyan........sakay na!  sm fairview! maluwag pa! dali dali kong hinabol ang bus na iyon..buti nalang nakasakay  ako, mahirap sumakay kapag ganito maulan, hawak mama!  ayon me bakante pa sa dulo.... dahan dahan ako naglakad binaybay ko ang pasilyo ng bus habang nakahawak ang kanang kamay sa bakal na nakausli sa bandang itaas nito, habang nakamasid sa mga pasahero na ang iba ay halatang naiinip na..ang iba naman ay mga nagnanakaw ng kunting tulog sinasamantala ang traffic na dulot ng ulan,meron namang iba na mga malayo ang tingin sa bintana ng bus, wari'y nag aalala sa lakas ng ulan...madali kong narating ang bakanteng upuan, isinandal ko ang aking likuran sa upuan at ini-stretch  ang mga paa...kay sarap ng pakiramdam panandaliang napawi ang aking pagod at gutom... parang hinihila ang aking mga mata ng antok....saan kayo?? sa Letex ho... sabay abot ng ticket.... tamang tama ang barya kong nasa bulsa eksakto..eto ho.sabay abot ko ng bayad,   pag abot ko ng bayad napansin ko ang aking relo, mag aalas diyes na pala ng gabi, napatingin ako sa labas ng bintana ....wala pa atang balak na tumigil ang ulang ito...nako paano kaya pagbaba ko nito..wala pa naman akong dalang payong...mga tanong na...saka na siguro ang sagot kapag bumaba na ako... Ako nga po pala si Mark, at dito po magsisimula ang aking kuwento  Ang Bus ay bibigyan ko ng makukulay na kuwento araw araw na hango sa aking mga karanasan sa buhay, at bilang dating biyahero, ang bus ay naging parte na ng aking buhay..Ang pagsakay sa bus ay parte na ng buhay ng isang ordinaryong pinoy, ang pagsakay mo dito ay isang paglalakbay, hayaan po ninyong makasama ninyo ako sa inyong paglalakbay sa buhay sa pamamagitan ng maiikling kuwentong ibabahagi ko na baka sakaling maging gabay ninyo sa inyong paglalakbay sa buhay na ito. Inaanyayahan ko po ang lahat na tangkilikin...at abangan ninyo ang mga katangi tanging kuwento araw araw.. .marami pong salamat

                                                                                                                                          Mark